DEADMA sa Palasyo ang panawagan ng mga biktima ng bagyong Yolanda na magbitiw na si rehab czar Panfilo Lacson dahil walang silbi sa trabaho niyang tulungan silang makabangon at mas pinagkakaabalahan pa ang pork barrel scam.
Depensa ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte kay Lacson, hindi naman nagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang rehab czar kahit pa nakikisawsaw sa isyu ng pork barrel scam.
Kamakalawa, pinagbibitiw at binansagang inutil si Lacson ni Efleda Bautista, convenor ng People Surge, grupong binubuo ng mga biktima ng Yolanda, dahil makalipas ang anim na buwan wala pa rin naibibigay na tulong ang rehab czar sa mga biktima ng super typhoon dahil mas interesado siya sa pork barrel scam kaysa tuparin ang kanyang tungkulin.
Giit ni Bautista, kahit may mga naisumite nang master plan ang ilang lokal na pamahalaan na sinalanta ni Yolanda sa tanggapan ni Lacson ay wala pa rin silang natatanggap na ayuda mula sa pamahalaan.
Kaya’t mas pinili na lang aniya ng mga lokal na opisyal na makipagtulungan sa mga pribadong grupo dahil mas mabilis umaksyon kaysa gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)