TAHASANG sinabi ng kampo nina Benhur Luy na makagugulo lamang sa kaso kung tatanggapin ng gobyerno bilang state witness at bibigyan pa ng immunity si Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng multibillion pork barrel scam.
Ayon sa abogado ni Luy na si Atty Raji Mendoza, hindi ito dapat gawin ng gobyerno dahil magagalit lamang ang taongbayan.
Pagdidiin niya, sapat na ang mga ebidensiya at testimonya ng whistleblowers sa pangunguna ni Luy upang maipakulong si Napoles at ang mga nasasangkot sa anomalya.
Ang pagdesisyon ng Ombudsman na kasuhan ang mga sangkot sa pork scam kahit wala pang statement si Napoles ay malinaw aniyang indikasyon na mabigat ang ebidensiya at testimonya ng grupo nina Luy.
‘NAPO-LIST’ DI SUPORTADO NG EBIDENSIYA
INIHAYAG ni Justice Sec. Leila De Lima na “unsubstantiated allegations” pa ang nilalaman ng “Napoles list” na isinumite niya sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ito ng kalihim makaraan agad isapubliko ng Senado ang ibinigay niyang “Napoles list” na naglalaman ng mga pangalan ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan na idinawit ni Janet Lim-Napoles sa pork barrel scam.
Ayon kay De Lima, hiniling niya kay Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Teofisto Guingona III na huwag munang isapubliko ang “Napoles list” dahil hindi pa ito suportado ng sinumpaang salaysalay ni Napoles at wala pang sapat na ebidensya.
Katunayan aniya, hiniling niya kay Guingona na kung maaari ay ibigay na lamang ang mga dokumentong ito sa tamang husgado o kaya ay sa Ombudsman.
Gayunman, walang nagawa si De Lima nang agad isapubliko ito ni Guingona.
DE LIMA ABOGADO NI NAPOLES?
INAKUSAHAN ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Justice Scretary Leila de Lima na umaakto bilang abogado ni pork barrel scam queen Janet Napoles.
Bukod sa akusasyong ito ni Escudero, may naamoy aniya siyang kasunduan nina De Lima at Napoles.
Kamakalawa, isinumite ni De Lima kay Senador Teofisto Guingona III, chairman ng Blue Ribbon Committee, ang Napoles list na may lagda at thumb mark ni Napoles ngunit wala ang affidavit dahil sa nakiusap siya sa komite na bigyan pa siya ng isang linggo dahil may beniberipika pa sila.
Iginiit ni Escudero, walang karapatan ang Department of Justice (DoJ) maging si de Lima, na i-verify pa ang nilalaman ng affidavit ni Napoles.
“Its not for the DoJ to give this mere affidavit to the Senate and to act as if she is the lawyer of Napoles. Ang magandang tanong siguro kay Sec. De Lima, may deal na ba sila? Why is she acting a lawyer and going to the vetting the affidavit, drafting the affidavit, typing the affidavit. It should be the lawyers’ draft, WPP na ba siya, nasa state witness na ba siya? What is the exact role of the prosecutor if this holding in the relation to Napoles,” ani Escudero. (NIÑO ACLAN)