SINIGURADO kahapon ng pamunuan ng Filoil Flying V Sports na iimbestigahan nito ang pag-iinsulto ni Paul Pamulaklakin ng Lyceum of the Philippines University kay Ola Adeogun ng San Beda College sa isang laro ng Premiere Cup noong Sabado.
Sa isang press statement, sinabi ni John de Castro, isang opisyal ng Filoil Flying V Sports, na kahit walang reklamong inihain ang kampo ng Red Lions ay hindi sasantuhin ang ginawa ni Pamulaklakin kung saan sinabihan niya si Adeogun na unggoy.
Matatandaan na nagkapikunan sina Adeogun at Pamulaklakin sa mga huling segundo ng laro kung saan tinambakan ng Red Lions ang Pirates, 80-56.
Nagtala si Adeogun ng 16 puntos at 11 rebounds sa nasabing laro.
Dating sangkot si Adeogun sa suntukang nangyari ng ilang mga manlalaro ng San Sebastian volleyball team at ang mga kakampi niya sa Red Lions sa isang laro ng NCAA volleyball noong 2011 na nagresulta ng suspensiyon laban sa lahat ng mga sangkot. (J. Ty III)