INAMIN ng isang opisyal ng National Housing Authority (NHA) na kailangan nang kumilos si Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima para magwakas ang pagpaslang ng mga land grabber sa Cogeo area sa Antipolo City na hinihinalang pinamumunuan ng mga dating opisyal ng pulisya.
Ibinunyag ni NHA Southern Luzon and Bicol (SLB) Region Community Relations Chief Leah Joson na wala silang magawa sa mga armadong grupo na pinamumunuan ng isang dating police major na nagbenta ng rights at patuloy na nagpapaupa sa mga lote pati ang pag-aari na mismo ng gobyerno.
Mula noong 2007, kabilang sa mga pinaslang sina Maharlika Homeowners Association Inc.(HOAI) president Allan Albor at Pagrai HOAI president Marica Mondejar na lider rin ng Akbay Maralita Lungsod ng Silangan Townside Re-servation.
Noong 2013 naman, magkasunod na pinatay ang mga opisyal ng Cuencoville HOAI na sina Jojo Bacurro at Remy Socaldito at malubhang nasugatan si Dunn Asencio. Nitong nakaraang Marso, pinaslang naman ng riding-in-tandem si Cuencoville HOAI president Dio-nisio Asencio pero sa mga krimeng ito ay walang na-aresto kahit isang suspek ang Antipolo Police.
“Marami pong iba-ibang homeowners group diyan hindi lang po Cuencoville. Iyong ibang mga pribadong lupa diyan, na iniskwatan din, hindi na rin makuha ng mga may-ari. So, nag-form sila ng iba’t ibang homeowners association para nga po sana bilhin na lang sa kung sino ang may-ari. Nagkataon na nga lang na ang Cuencoville na iyan ay nabili ng NHA,” paliwanag ni Joson. “Kaya noong nakipag-coordinate si G. Acensio at that time sa NHA na gusto nilang bilhin, pumayag ang NHA kasi squatted e. Kawawa si G. Acensio talaga. Ang laki ng sakripisyo niya para matulungan ang mahihirap na magkalote, tapos pinatay lang.”
Inamin din ni Joson na ayaw maniwala ng mga binentahan ng rights at umuupa hanggang ngayon sa isang police major na lupa ng NHA ang Cuencoville dahil gusto nilang mapasakanila ang lupa nang libre hindi tulad ng ginawa ng Cuenco-ville HOAI na pinabayaran sa NHA ang mga lote sa halagang P200 kada metro kuwadrado.
“Ang hirap ng papel namin sa NHA, katwiran ng mga nag-iskuwat mahihirap sila pero ang gaganda ng bahay nila tapos dati pa silang opisyal ng pulisya,” dagdag ni Joson. “Sa tingin ko dapat nang kumilos ang pulisya rito kasi ang gumagawa ng krimen mga kabaro nila. Kung hindi, sa Malakanyang na dapat humingi ng tulong ang pamilya ng mga pinaslang.” (HNT)