MULI na namang mabibigyan ng buhay ang baybayin ng Lawa ng Taal na nasasakupan ng lungsod na ito matapos mapili ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) na pagdausan ng canoe, kayak, at dragon boat race events na kabahagi ng 2014 Philippine National Games (PNG) na gaganapin sa Mayo 17-18, 2014.
SA pangunguna ng Philippine Canoe and Kayak Federation (PCKF), inaasahang mahigit 1,500 atleta mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang nakatakdang magkatipon-tipon sa may baybayin na nasasakupan ng mga barangay Wawa at Boot upang lumahok sa nasabing kompetisyon na pasisinayaan ni Mayor Antonio C. Halili.
Bukod sa angkin nitong likas na kagandahan, nahirang ang Tanauan City dahil sa malinis at matiwasay nitong baybayin na angkop na angkop sa ganitong uri ng paligsahan. Maaalalang sa lugar ding ito matagumpay na idinaos ang prestihiyoso at kauna-unahang Tanauan City Dragon Boat Festival na ginanap noong Nobyembre ng nakalipas na taon.