MAITUTURING na karaniwang piraso ng papel lamang ang Napoles list na inilabas ni Rehab czar Panfilo Lacson lalo’t hindi ito pirmado ni Janet Lim-Napoles.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga bagong isinasangkot sa naturang listahan, kasabay ng paggiit nang sapat na ebidensya.
Ayon kina Sens. Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero at Miriam Defensor-Santiago, pati na kina Pampanga Rep. Oscar Rodriguez at Mindoro Rep. Reynaldo Umali, hindi kayang sirain ng naturang listahan ang kanilang mga adbokasiya sa paghahanap ng katotohanan ukol sa katiwalian.
Hinala ni Rodriguez, sinadya ng kampo ni Napoles na isama siya sa listahan dahil bilang pinuno ng House committee on good government ay maaari niyang mahimay ang tunay na nakapaloob sa mga transaksyon ng pekeng NGOs.
Kung kasama aniya siya sa listahan, papano pa niya mapangungunahan ang isang inquiry nang ligtas sa mata ng mga kritiko.
Ayon kay Rodriguez, nasorpresa, natawa at nainis siya nang makita ang kanyang pangalan sa listahan.
Kasabay nito, hinamon ng mga mambabatas ang kampo ni Napoles na maglabas ng dokumentong magpapatunay ng partisipasyon nila sa pork barrel scam.
Kabilang sa talaan ay ang 12 dati at incumbent senator habang nasa 68 ang kongresista.
Ang mga senador na kabilang sa Napoles list ni Lacson, ay sina
Ramon “Bong” Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, Vicente Sotto, Loren Legarda, Koko Pimentel, Alan Peter Cayetano, Gringo Honasan, Chiz Ecudero, JV Ejercito, Manny Villar, at Robert Barbers.
Kapansin-pansin na wala sa talaan ang pangalan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago taliwas sa panayam kay Lacson na kabilang ang senadora. – NINO ACLAN
(May dagdag na ulat sina BHENHOR TECSON, LARA LIZA SINGSON, NIKKY-ANN CABALQUINTO, CAMILLE BOLOS at ANTONIO MAAGHOP JR.)