Ariel Dim Borlongan
NITONG Mayo 8, daan-daang residente ng Casiguran sa Aurora Province ang nagprotesta sa patuloy na pakikialam ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport (APECO) sa title renewal process ng 98 magsasaka na 25 taon nang nagtatanim sa matataas na lugar sa San Idelfonso Peninsula.Ang mga magsasaka ang may opisyal na stewardship contracts sa lupain pero pinaratangan nila ang mag-amang dating Sen. Edgardo Angara at Sen. Sonny Angara, ang mga utak ng APECO, ng panghihimasok sa local environmental officials kaya nanganganib na “mapako” ang ipinangako ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino sa diyalogo sa Ateneo de Manila University noong Disyembre 11, 2012.
Nangako sina P-Noy at DENR Secretary Ramon Paje na mabilis na ire-renew ang Certificates of Stewardship Contracts (CSC) ng 98 magsasaka sa ilalim ng Integrated Social Forestry program (ISF) dahil mapapaso na ito ngayong 2014. Pero sa pagmamaniobra ng APECO, waring tinuwaran na ng DENR ang pangakong naganap matapos magmartsa ang mga magsasaka mula Aurora hanggang Maynila.
Ayon nga sa lider ng San Idelfonso farmers na si Ely Vargas, nakatugon na sila sa istandard na proseso para mai-renew ang kanilang CSCs pero sa pakikialam ng APECO na nagpupumilit na mayroon itong karapatan na pamahalaan ang buong San Idelfonso Peninsula, sa kung “anong” dahilan ay sinuspinde ng City Environment and Natural Resource Officer (CENRO) ng Casiguran na si Alfredo Collado ang kahilingan ng mga magsasaka.
Mula nang itatag ng mag-amang Angara ang APECO, wala itong ginawa kundi apihin ang mga magsasaka, residente at maging ang mas may karapatang mga katutubo sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act at maging sa CARPER Law. Sobra nga ang kapal nitong si Sen. Sonny na ginamit pa sa pangangampanya sa nakaraang halalan ang mga magsasaka pero patuloy ang pang-aapi ng APECO sa kanilang mismong kababayan.
Kung totoong ginamit ng mag-amang Angara ang malaking bahagi ng kanilang pork barrel para sa APECO, marami silang dapat ipaliwanag sa taumbayan. Sabi nga ni Rev. Fr. Joefran Talaban, spokesperson ng Task Force Anti-APECO, kinumpirma ng Commission on Audit (COA) ang katakot-takot na anomalya sa paggamit ng pondo nitong 2012 pa lamang.
Kabilang sa mga inilistang kabulastugan sa operasyon ng APECO na nasa COA report ang mga sumusunod:
*Tinatayang P 23.8 milyong unliquidated cash advances;
*Walang pisikal na imbentaryo sa mga ari-arian at kagamitan na nagkakahalagang P 575.7 milyon;
* “Kaduda-dudang” dokumentasyon ng gastusin sa transportasyon na idineklarang P906,996.00;
*Kabiguan mag-submit ng kopya ng mga kontrata ng gobyerno at purchase orders para mabusisi ng COA;
*Kawalan ng internal audit service;
*At pagkuha sa serbisyo ng mga hindi kailangang consultants na may kabuuang halaga na P 9.1 milyon.
Sa pitong taon operasyon ng APECO, malinaw na naging gatasang baka lamang ito ng mag-amang Angara kaya wastong ipasara na lamang ito.
Ngayon dapat kumilos ang mga taga-Casiguran laban sa operasyon ng mapang-aping APECO at kung mayroong dapat kasuhan ng plunder ay ang mag-amang Angara na dapat mabulok sa bilangguan kung mapatutunayang nandambong sa kaban ng bayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com