SURE shot si Paul Asi Taulava bilang Best Player of the Conference kung pumasok sa Finals ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup ang Air21.
Kaso mo’y dadaan siya sa butas ng karayom para talunin ang mga tulad nina Jayson Castro at Ranidel de Ocampo para sa karangalang nakataya sa katapusan ng isang torneo.
Malaki ang bentahe nina Castro at de Ocampo dahil sa winalis ng Talk N Text ang mga laro nito hanggang sa semifinals upang makarating sa best-of-five championship series kontra San Mig Coffee. Sa Finals na nga lang nakatikim ng kabiguan ang Tropang Texters.
Ang Best Player of the Conference ay pinipili hanggang sa katapusan ng semifinals. Hindi na kasali sa deliberations ang finals.
Kasi may separate na award na nakalaan diyan. May Most Valuable Player of the finals award na ipinamimigay ang PBA Press Corps.
Isang panalo lang talaga ang kailangan ng Air 21 at sigurado na sanang Best Player of the Conference si Taulava.
Kasi, sa kabila ng pagiging 41 year old veteran niya at pinakamatandang manlalaro ng liga, aba’y parang kalabaw ang inilaro ni Taulava. Nag-average siya ng double-double.
E yun ngang mga ibang manlalaro na sampung taong mas bata sa kanya ay hindi nagagawa ang kanyang ginagawa, e.
Tuloy, marami ang nagtatanong kung saan hinuhugot ni Taulava ang kanyang lakas.
Well, hindi man magwagi bilang Best Player of the Conference si Taulava, at least ay napatunayan niya na puwede pa nga siyang maglaro. At hindi basta-bastang paglalaro ha. Siya ang main man ng kanyang team.
Kung maipagpapatuloy ni Taulava ang performance na ito, baka mabuhat niya ang Express hanggang sa Finals ng susunod na Governors Cup.
Sakaling mangyari iyon, wala nang duda kung sino ang magiging Best Player of the Conference!
O Most Valuable Player of the Season?
Puwede!
Sabrina Pascua