ni Roldan Castro
PATUTSADAHAN at sagutan na naman ang nangyayari sa magkakapatid na Barretto.Matindi ang pasabog ni Claudine sa panayam ni Boy Abunda sa Buzz ng Bayan. Itinuring nang patay ni Claudine si Marjorie. Talagang napag-react niya sina Gretchen at Marjorie. Buwelta ni Gretchen sa kanyang official statement ay ”How do I debate with one who is clearly hallucinating…”
Havey si Claudine dahil siya lang ang puwedeng tumapat sa pagiging Newsmaker at controversial ni Kris Aquino. Matuk mo, nag-post pa siya sa kanyang Instagram Account ng larawan ng isang guy na ang pangalan ay Mark Anthony kaya pinag-usapan din.
Pero hindi ito, ang gusto namin sa isang Claudine Barretto. Sana naman ay may project siyang ipino-promote habang maingay. Si Kris kasi newsmaker pero may career.
Matagal nang nganga si Claudine, walang pelikula, walang serye. Hindi namin nararamdaman ang pagiging ‘Optimum Star’ niya.
Babalik pa ba ‘yun? Nakaka-miss na,eh!
Willie, magbabalik na sa telebisyon!
ISA pang nami-miss namin sa telebisyon ay si Willie Revillame. Halos pitong buwan na rin na hindi namin napapanood ang pagbibigay saya niya sa mga lola at sa kanyang mga tagahanga. Iba kasi ‘yung karisma, ligaya na dulot ng kanyang show. Hanap-hanapin mo rin ang mga nagmarka kay Willie na “Bigyan mo ng jacket, bigyan mo ng cellphone” etc..
Nag-iwan ng marka ang pagiging matulungin ni Willie bilang host kaya isa kami sa matutuwa ‘pag nagkaroon siya ng bagong show.
Habang nagliliwaliw kami sa Hongkong ng kanyang malapit na kaibigang si Karen Martinez ay napagkuwentuhan namin at nabanggit niya na malapit na ang pagbabalik ni Willie. Hindi pa alam kung saang channel pero nagpaplano na raw ang kanyang production ng bagong ihahain sa mga televiewer.
Aasahan namin ang big comeback sa isang Willie Revillame bago matapos ang 2014.
Startalk, dapat ibalik sa dating araw para mag-rate
USAP-USAPAN talaga kung ano ‘yung B sa ABS-CBN 2 na babalik, may bago at abangan.
Ang hula ng marami ay babalik na ang The Buzz sa Linggo na sina Toni Gonzaga at Kris Aquino na ang makakasama ni Boy Abunda.
True ba na huling ere na noong Sunday ang Buzz ng Bayan nina Kuya Boy, Carmina Villarroel at Janice De Belen?
Kung mawawala na ang Buzz ng Bayan, mas nakabubuti rin siguro na ibalik na rin ang Startalk ng GMA 7 sa dating araw at timeslot nito na Sabado. Mas nakakaalagwa at mataas ang ratings ng Startalk dahil nag-iisa siyang talk show pag Sabado, ‘no?
At least, mas panalo ang televiewers kung hindi magkatapat ang The Buzz at Startalk, ‘no?
Sitcom nina Sharon at Goma sa TV5, itatago muna sa baul
TRUE rin ba na itatago muna sa baul ang bagong sitcom nina Sharon Cuneta at Richard Gomez na My Pirated Family ng TV 5 dahil mataas ang budget? ‘Di ba nasimulan na ito? Magagaya lang ba ito sa The Gift ni Ogie Alcasid na na- shelve na?
Balitang uunahin umano ang sequel ng Madam Chairman na magiging Madam Mayor na?
Hindi kaya si Goma ang mas disappointed sa pangyayaring ito dahil after na hindi matuloy ang project nila ni Dawn Zulueta sa Dos, mukhang mabibinbin din ang tawa-serye nila ni Sharon.
Hindi naman tuluyang inaaalat ang mga project ni Goma dahil balitang may gagawin din siyang isang game show sa TV 5.
Talbog!
Batchmates, mas sosyal at magaling sa Baywalk Bodies
ISANG regalo ng talent manager na si Lito de Guzman sa kanyang kaarawan (May 12) ay ang launching ng bago niyang mina-manage na all female group na Batchmates. Ito’y binubuo nina Aura, Cath, Jonah, Marie, Sophy, at Vassy. Kamakailan ay nagkaroon sila ng album launching under LDG Productions at distributed ng PolyEast Records.
Isang taon ding binuo ni Lito ang Batchmates bago niya pormal na inilabas sa publiko. Ito ang grupong ipinalit niya sa Baywalk Bodies.
“Panatag akong itayo ang Batchmates dahil mayroon akong galing ng Mocha Girls (Aura at Jhane), mayroon isang galing ng Baywalk (Vassy). Dalawa that time ang galing ng Mocha kaya itinayo ko ang Batchmates. Tapos, noong matapos ang recording, nag-abroad kami ng Malaysia, ng Singapore, nag-gig kami run for 3 months…noong ilo-launch na ang album, bigla namang nagpaalam si Jen. Bigla niyang iniwan si Aura sa ere dahil kinuha siya ulit ni Byron (Cristobal, manager ng Mocha). In fairness to Jhane and Byron, talaga namang nirespeto ‘yung kontrata. Si Jhane nagbayad sa akin ng P250,000 cash para sa contract kaya walang samaan ng loob,” kuwento ni Mother Lito.
Nainip ba si Jhane?
“Ang reason niya sa akin before ba’t umalis siya sa Mocha ay hindi siya maka-self centered. Kumbaga, lagi siyang behind o shadow ni Mocha at ni Mae. Same thing with Aura. ‘Yun ang sinasabi nila, ang sa akin naman..wala naman akong star-star. Gusto ko lahat ay pantay-pantay. Ang budget nga nila, kung ano ang budget ng isa, budget ng lahat. Ayaw ko ng may senior, may junior. Ayaw kong mangyari ‘yung nangyari sa Baywalk Bodies na senior si Jeanette (Joaquin), senior si Kuhdet (Honasan). ‘Yung budget ng lahat ay equally divided,” bulalas pa niya.
Ilan talaga ang Batchmates ngayon?
“Ang official members ng Batchmates ay anim. Ang gagaling nila ngayon..sobra. Gusto ko magdagdag ng isa.”
Mas class ba ito kompara sa Baywalk Bodies?
“Ay, sobra. Wala sa kalahati talaga..’yung showmanship, ‘yung pagtayo, ‘yung pagsayaw, ‘yung pagkanta. ‘Pag kumanta talaga, live, ‘di ba? Ang song na ipino-promote nila ay hindi bakya. ‘Yung sumusunod sa uso, hindi novelty, ‘di ba? Parang Korean-Japanese song ang peg, ‘di ba?
“Sa eskandalo? Wala kaming eskandalo. Ayaw ko muna ng eskandalo. He!he!he! Malayong-malayo ito sa Baywalk Bodies. Unang-una, ang Batchmates, ginu-groom sila as total perfomer. Ayaw kong maging hilaw kasi ‘yung Baywalk dati parang hubad ka lang diyan, sayaw na. may boobs ka lang, Baywalk ka na parang ganoon. Kung maganda ka, hubad na parang ganoon,” aniya pa.
“Ang Batchmates, hindi nila pini-perform ang repertoire nila sa stage hangga’t hindi nila nape-perfect ‘yung sayaw at saka kanta. Sexy ang tema pero hindi naman sila nagpapalamas ng boobs. During the show may mga naughty-naughty sila. Parang touch my body, kiss me everywhere. ‘Yung normal lang. Ayaw ko ng mga scandalous,” sey pa niya.
Maliban sa rigid training ng Batchmates ay regular din silang inaalagaan sa Skin Rejuve at Dr. Guanzon Clinic na kilala sa larangan ng pagpapaganda, kaya hindi na nakapagtataka kung bakit walang tulak kabigin sa alindog ng Batchmates.
Sa ngayon, dalawa sa kanta ng Batchmates ang tinutugtog sa radio, ‘yung Feel Like Dance, revival siya at saka ‘Di Na Mahal.Napapaloob din sa album nila ang mga awiting Boom, Boom Para Boom, Giling, at Hora.