DESMAYADO sa Quezon City Police District (QCPD) si Mayor Herbert Bautista, hinggil sa serye ng pamamaril sa Fairview nitong Linggo.
“I’m not really happy about what happened. Hindi ako natutuwa dahil lahat ng suporta ng Quezon City government sa Quezon City Police District ay ibinibigay namin,” pahayag ng alkalde.
May utos na aniya ng QC Peace and Order Council sa QCPD na magkaroon ng Operation Bakal sa mga bahay bukod pa sa dapat sana’y pagkakaroon ng 24-oras na checkpoint.
Hinanakit ng alkalde, nagbigay na ang pamahalaang lungsod ng dagdag na sasakyan sa QCPD at nagbabala na siya sa mga opisyal ukol sa seguridad dahil ipino-promote ang lungsod bilang isang tourist at investment destination.
“Ngayon parang pa-relax-relax na naman ang QCPD dahil hindi nila binabantayan ang Quezon City.”
Samantala, sinibak sa puwesto ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Richard Albano ang hepe ng police community precinct na nakasasakop sa sunod-sunod na Fairview killings nitong Linggo.
Kinilala ang nasibak na opisyal na si Chief Insp. Ramon Cabili, PCP commander ng North Fairview Precinct at papalitan siya ni Chief Insp. Roldante Sarmiento.
Bukod dito, inihahanda rin ang kaukulang kaso laban kay Cabili bunsod sa hindi agarang pag-aksyon sa nangyaring krimen sa kanyang area of responsibility (AOR).
“Inihahanda na rin ‘yung kaso sa kanya (Cabili) at pinag-e-explain namin siya kung bakit hindi agad nakapag-react sa mga insidente,” ani Albano.
Ayon kay Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kanilang inaalam kung sinong grupo ang may kagagawan sa karumal-dumal na krimen at inaasahang ngayong linggo ay magkakaroon ng resulta ang kanilang imbestigasyon.
Matatandaan, namatay sa nangyaring krimen sina Rodelio dela Cruz, 34, ng Baesa; Alodia Grace Go, 37, ng North Fairview; Gilmer Gabronino, 35, ng Caloocan City: Angelie Auguis, 35, ng Imus Cavite, at isang basurero na hindi pa rin nakikilala.
(JETHRO SINOCRUZ)
DRIVER, 5 PA TIMBOG SA SAFEHOUSE
NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang isang driver at lima pa, na itinuturong sangkot sa Fairview killings nitong Linggo.
Kinilala ang itinurong driver ng motorsiklo na sangkot sa Fairview killings na si Alsait Mendelano, 28 anyos, ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Naaresto rin ang iba pang amy arres warrant na si MauzonTawar Munib, 31; Ahmed Madkidato, 18; Bochary Mendelano, 32; Cesar Ate, 45; at Camad Madkidato, 16.
Ang ibang suspek ay nasakote sa isang safehouse sa Baning St., Darusalam Compound, Fairmont Village, North Fairview, kahapon ng hapon. Isasailalim sa interogasyon ang mga arestado.
(ALMAR DANGILAN)