ISANG ginang sa Indonesia na pinilahan ng walong kalalakihan ang sinasabing hinatulan ng ‘public caning’ dahil sa paglabag sa batas ng Islam.
Ginahasa ang 25-anyos na biyuda ng mga lalaki na umano’y nakadiskubre sa biktimang may kasamang lalaking may asawa sa loob ng kanyang bahay.
Binugbog umano ang lalaki, pinaliguan ang dalawa ng tubig mula sa kanal at saka dinala ng grupo sa Islamic police sa konserbatibong lalawigan ng Aceh. Naganap ang insidente sa Lhokbani, isang baryo sa East Aceh district.
Ayon sa pinuno ng Islamic Shariah law sa nasabing distrito na si Ibrahim Latief, inirekomenda ng kanyang tanggapan na paluin ng yantok ng siyam na beses ang biyuda at kalaguyo niyang lalaki dahil sa paglabag ng batas ng Islam.
Sa inisyal na imbestigasyon, magtatalik sana ang dalawa subalit pinunto ni Latief na lumabag sila sa Shariah law na nagbabawal sa isang babae at lalaki na magkasama sa iisang silid. Inamin din umano ng dalawa na nakipagtalik na sila bago mangyari ang panggagahasa.
Ang Indonesia ay may patakaran ng sekularismo subalit pinapayagan ang Aceh na magpatupad ng sariling pagsalin ng Sharia Islamic law.
Inaresto ng pulisya ang tatlo sa walong lalaki na umabuso sa biyuda habang pinaghahanap pa ang iba para panagutin sa kanilang krimen.
Sinabi ni East Aceh police chief Lt. Col. Hariadi na iniimbestifgahan pa ang tatlo ukol sa reklamo sa kanila na panggagahasa. Ang isa sa mga akusado ay isang 13-anyos na batang lalaki, na kakasuhan bilang adult subalit lilitisin sa isang closed-door trial.
Maaaring parusahan din ang mga suspek sa pag-abuso sa biyuda subalit “ma-giging mababaw ito kung parurusahan din ng siyam na palo ng yantok.”
Ang rape, na isang kasong kriminal, ay may parusang maximum penalty na 15 taong pagkabilanggo.
Kinalap ni Tracy Cabrera