BUTUAN CITY – Boluntaryong sumuko ang pamangkin ni Rosario, Agusan del Sur Vice Mayor Julie Chua, makaraan barilin at mapatay ang dating hepe ng Nasipit Police Station sa Agusan del Norte at assistant executive officer ng Provincial Public Safety Company ng PPO-Agusan del Norte, gayundin ang driver ng biktima.
Ayon kay Supt. Rodelio Roquita, hepe ng San Francisco-PNP, kinilala ang mga biktimang si S/Insp. Abraham Mangelen at ang driver na si Joel Timbal, 35, ng Punta, Nasipit, habang ang suspek ay natukoy na si Rezly Butiong Chua alyas Ugong.
Si Ugong ay negos-yante, miyembro ng Rosario Gun Club at residente ng Brgy. Sta Cruz, Rosario.
Ayon sa opisyal nagmula sa lungsod ng Davao ang biktima at papunta sana sa kanyang duty ngunit pagdating sa bayan ng Rosario ay nakagitgitan ng kanilang mga sasakyan ang motorsiklo ng suspek hanggang sa dumating sila sa bayan ng San Franciso na bahagi na ng lalawigan ng Agusan del Sur.
Bunsod nito, pinagsabihan ni Mangelen ang driver ng motorsiklo na si Ugong na magdahan-dahan sa pagmaneho dahil baka makabangga o kaya ay makadisgrasya.
Ngunit biglang nawala ang suspek at pagkalipas ng ilang minuto ay biglang sumulpot sa harapan ng biktima sabay paputok ng baril.
Tinamaan sa ulo si Mangelen habang nagtangkang tumakbo ang driver ngunit binaril din siya ng suspek hanggang sa mamatay.
Si Ugong, nahaharap sa kasong muder, ay nasa kustodiya na ng San Francisco Police Station para sa tamang disposisyon.
(BETH JULIAN)