BILANG tugon sa tumataas na bilang ng krimen at mga national emergency, inihain ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang Senate Bill No. 1164 o ang “Hotline 117 Act.”
Layon ng Hotline 117 oras maging ganap na batas, bilang isang pambansang numero para sa mabilisang pagtugon o pagresponde ng gobyerno sa mga krimen at ibang emergency sa bansa.
Ani Trillanes: “Ang paglaban sa mga krimen at iba pang isyu sa kaayusan sa bansa ay nangangailangan ng seryosong atensyon at pagtutulungan ng gobyerno at mga pribadong sektor.”
Sa ulat ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), umabot sa 1,036,527 ang bilang ng krimen noong 2013. Siyam na porsiyento (9%) nito ay iniuugnay sa krimen dulot ng mga riding-in-tandem, 40 % sa mga krimen sa kalye, at 34 % sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Ipinaliwanag ni Trillanes na ang nasabing bilang ay maaaring nabawasan sana kung mayroong madaling paraan upang iulat ang mga di inaasahang pangyayaring ito, at kung may isang mahusay at agarang tugon o mekanismo ang gobyerno sa mga krisis na ito.
Sa nasabing panukalang batas, itinatatag din ang Hotline “117” Public Safety Answering Center (Call Center) sa bawat rehiyon, probinsiya, siyudad, munisipalidad at barangay, na bubuuin ng mga tiga-responde mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga boluntaryong non-profit at civic organizations.
“Napapanahon na gumamit tayo ng mga modernong pamamaraan sa komunikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Ang pagpapatibay sa Hotline 117 ay isang mahusay na hakbang tungo dito,” dagdag ni Trillanes. (CYNTHIA VERTUDAZO)