MATINDING pangamba ang nararanasan ng mga barangay officials sa Caloocan City dahil sa sunod-sunod na pamamaslang sa kanilang hanay sa lungsod.
Ayon sa barangay official na tumangging magpabanggit ng pangalan, labis silang nababahala dahil hindi pa nahuhuli ang mga pumatay sa kanilang mga kasamahan at hanggang ngayon ay nangangamba sila sa kanilang sariling buhay.
Hiniling ng mga opisyal kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan na atasan ang lokal na pulisya upang matuldukan ang mga pagpatay sa mga barangay officials sa lungsod nang mapawi ang kanilang pangamba para sa sarili at pamilya.
Sa record ng pulisya, si Kagawad Rogelio Escaño, 53, ng Brgy. 44, residente ng P. Sevilla St., ay binaril at napatay ng tandem noong May 9 dakong 6:30a.m. sa loob ng Tony’s Restaurant sa 8th Avenue.
Miyerkoles, dakong 10:00 p.m. inambus si Kagawad Garry Moralla na agad namatay habang nasugatan ang kanyang asawa nang pagbabarilin ng tandem.
Bukod kina Escaño at Moralla, aabot sa lima pang barangay officials ang naging biktima ng karahasan na ilan sa kanila ang namatay habang nakaligtas ang iba.
Samantala, ayon sa isang opisyal ng Caloocan police, na ayaw magpabanggit ng pangalan, mayroon na silang hawak na datos sa pagkakakilanlan sa pumatay kay Eduardo Balanay, 66, pinuno ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM).
Matatandaang naglilinis sa isang bakanteng lugar si Balanay sa harap ng kanilang bahay sa North Matrix Ville Subdivision, sa Camarin, dakong 6:30 a.m. noong Lunes, nang lapitan ng suspek saka pinutukan nang tatlong.
Ang suspek ay tumakas sakay ng motorsiklong umano’y minamaneho ng isang Mark Anthony Francisco alias “Mac Mac.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay hinihinalang pumatay kay Barangay 183 chairman Pedro Ramirez sa harap ng isang hardware sa Quirino Highway nitong Marso 25.
(rommel sales)