Umaabot sa 555 pawikan ang tinangkang ipuslit ng mga naarestong Chinese sa Palawan nitong Martes.
Sa pagtatapos ng imbentaryo sa Chinese boat, lumabas na 177 pawikan ang buhay, 207 ang stuff, dalawa ang pinatuyo, 76 ang carapace at 93 ang patay, na ilalabas sana sa bansa ng 11 Chinese at limang Pinoy na nahuli sa Hasa-Hasa Shoal sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Kaagad pinakawalan ang mga buhay na pawikan.
Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), malaki ang maiaambag ng ginawang imbentaryo para sa mga karagdagang kasong maaaring isampa sa Chinese poachers lalo’t critically endangered species ang hawksbill at green sea turtle na kabilang sa laman ng bangka.
Samantala, hindi pa masimulan ang inquest proceeding sa mga naarestong dayuhan dahil wala pang interpreter na maibigay ang mga mangingisdang Chinese.