SUGATAN ang ilang staff ng teleseryeng “Carmela” na pinagbibidahan ni Marian Rivera sa GMA 7, makaraan bulabugin ng ilang nakainom na mga lalaki ang kanilang set sa isang bar sa Malolos City, Bulacan nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat, sa kabila ng abiso na sarado ang establisyemento, nagpumilit ang isang grupo ng mga lalaki na pumasok sa bar habang inaayos na ang set ng primetime show na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Alden Richards.
Para pigilan ang mga lalaki, nakiusap ang lightning director ng teleserye na sa susunod na araw na lamang sila bumalik, ayon sa ulat.
Ngunit nagalit ang mga suspek at naghamon ng suntukan.
“Pagtayo niya, (sinabing) ‘gusto mo suntukan na lang tayo?’ Lumapit yung lalaki, feeling ko, ‘yung mga kasama kong babae, may gagawin siyang ‘di maganda, so prinotektahan ko, so ginawa ng isa, sinuntok ako, so sinuntok ko na rin siya para ilayo sila. Tapos tatlo na silang sumuntok sa ‘kin,” ayon sa lightning director, na tumangging pangalanan.
Nang subukan ng direktor ng programa na si Dominic Zapanta na umawat sa kaguluhan, siya man sinuntok din.
“They were very aggressive,” aniya. “Out of nowhere, someone hit me on the face. Pagkasuntok sa ’kin, nagkagulo na.”
Tapos na ang kaguluhan nang dumating ang mga pulis. Gayon man, sumama ang apat na mga suspek sa Malolos Police Station.
Sa blotter ng isang suspek na si Diosdado Manaysay, isang negosyante, nakasaad na ang staff ng Carmela ang unang nanuntok sa kanila.
Ngunit itinanggi ito ng aktor na si Mike Lloren. Aniya, ang mga suspek na mga lasing, ang nagsimula ng gulo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa naganap na insidente.
HATAW News Team