HINIHINALANG payroll robbery ang motibo sa pagpatay sa isang warehouse man nang pagbabarilin ng rider in tandem sa Gen. Romulo Street, Cubao, Quezon City, Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Lynnald “Chris” Que, 33-anyos, warehouse man sa ginagawang condominium, namatay nang dalhin sa Quirino Labor Medical Center.
Pahayag ng saksi, papasok na sa gate ng ginagawang gusali si Que lulan ng motorsiklo, nang pagbabarilin ng suspek na kaangkas sa isa pang motorsiklo at nang matumba ang target, kinuha ng bumaril ang backpack ng biktima.
Nabatid na araw ng sweldo ng mga construction worker sa ginagawang gusali pero hindi pa makompirma kung si Que ang nautusang mag-withdraw ng pera na pansuweldo lalo’t pinag-kakatiwalaan siya ng ilang opisyal sa maraming bagay kabilang na ang pera.
Bagama’t kinompirma ng mga katrabaho niyang nawawala ang back pack ng biktima, hindi pa matiyak kung naglalaman iyon ng ipapasweldong pera.
Samantala, napag-alamang may closed circuit television (CCTV) camera sa harap at gilid ng pinangyarihan ng krimen pero ayon sa safety engineer ng ginagawang condo, hindi gumagana ang mga CCTV.
Narekober ng mga awtoridad ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 baril sa lugar. Ina-alam ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.