INIHAYAG ni Justice Sec. Leila De Lima na minsan ay hindi siya nakatutulog dahil sa kontrobersiyal na affidavit ni Janet Lim-Napoles na naglalaman ng iba pang mga pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na isinasangkot sa multi-billion peso pork barrel scam.
Ito ay sa harap ng kaliwa’t kanang pressure sa tanggapan ni De Lima na isapubliko ang nilalaman ng salaysay ni Napoles upang malaman ng publiko kung sino-sino pa ang mga sangkot sa maanomalyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) bukod kina Senators Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon kay De Lima, nauunawaan niya na marami ang interesado sa kahihinatnan nang pagsisiwalat ni Napoles lalo’t kinasasangkutan ito ng matataas na opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, pinanindigan ng kalihim na hindi pa napapanahon na isapubliko ang tinaguriang “Napoles list” dahil kailangan pa nilang kompletohin ang salaysay ng utak ng pork barrel scam.
May hinihintay pa aniya silang mga ebidensya at karagdagang testimonya mula kay Napoles upang maging detalyado ang pagbubunyag sa mga taong isinasangkot sa isyu.
Ngunit kung hindi aniya makapaghihintay ang taong bayan ay maaaring si Napoles na mismo ang direktang magsalita sa publiko dahil hindi siya pinagbabawalan ng DoJ na isiwalat ang kanyang nalalaman sa pork barrel scam. (HNT)