DAGUPAN CITY – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang dating empleyado ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pangingikil sa magkasintahan sa lungsod ng San Carlos sa lalawigan ng Pangasinan.
Inireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ng magka-sintahang “Raymond” at “Jane,” hindi tunay na pangalan, ang “pamba-blackmail” sa kanila ng may-ari ng apartment na tinirhan nila sa lungsod na kinilalang si Jose Castro Yu, Jr.
Sinasabing ginagamit na panakot ng suspek ang pagpapakalat sa pribadong video ng magkasintahan sa isinanla nilang cellphone upang may magamit na pamasahe patungong Bulacan.
Hindi inakala ng magkasinta-han na pag-iinteresan ng suspek ang iPhone at gagawin ang pag-blackmail sa kanila dahil ipinakilala ng kanilang kaibigan ang salarin bilang mabait na tao.
Giit ng magkasintahan, nabayaran na nila ang pagkakautang sa suspek ngunit hindi pa rin ibinalik ang kanilang cellphone.
Agad nagsagawa ng operas-yon ang NBI at habang iniaabot ang pera ay nakatunog ang suspek kaya sinampal ang babae.
Nagpumiglas at nanlaban pa ang suspek bago nadakip ng mga awtoridad.
Si Yu ay dating empleyado ng BI at nasampahan na rin ng kaso. Nananatili sa kustodiya ng NBI ang suspek na nahaharap sa kasong robbery extortion at paglabag sa karapatan ng mga kababaihan.