ni Roldan Castro
ISA sa pinupuri ni Rita Avila ay ang Primetime Queen na si Marian Rivera na ‘nanay-nanayan’ ang turing sa kanya at suportado ang mga manika ng aktres. Nagsimula raw ang magandang relasyon nila ni Marian sa serye ng TAPE na Agawin Mo Man Ang Lahat with Oyo Sotto.
Hindi naputol ang communication nila at nagte-text pa rin sila sa isa’t isa.
Noong mabalitaan nga raw ni Marian na mayaman ang role ni Rita sa Walang Hanggan ng ABS-CBN 2, pinadalhan daw siya ng maraming damit na bago.
“Ang sweet talaga ni Marian. Bilib ako sa loyalty niya,” sambit pa ni Rita.
Mabait na tao raw si Marian kaya nagugulat siya ‘pag may balitang lumalabas na nagmamaldita ito.
Tinanong ang aktres kung papayag ba siyang maging ninang sa kasal ni Marian ‘pag ikinasal na kayDingdong Dantes?
“Ay, ayokong maging ninang! Lalabas na talagang matanda ako! Ha! Ha! Ha,” tumatawa niyang pahayag.
Wala bang nag-alok sa kanya na gawing ninang siya sa kasal?
“May nagsabi sa akin pero tinanggihan ko! Ha! Ha! Ha! We’ll see,” sambit pa niya.
Talbog!
MIKE, AMINADONG NARANASANG DINADAAN-DAANAN NA LANG
MARAMING rebelasyon si Mike Magat nang makatsikahan sa advance screening ng Full Moon.
“Nagpapasalamat ako kay Direk Dante (Pangilinan) at sa producer namin na si Nell dahil nagtiwala sila na sa akin ibigay ‘yung pelikula. Pwede pa pala akong magbida, may mga taong naniniwala pa pala sa akin.
“Actually, dumating ‘yung time sa akin na parang naramdaman ko, artista pa ba ako? Kasi dadaan-daanan ka na lang na parang hindi ka na kilala ng mga tao.
“Pati pagdating sa talent fee mo nararamdaman mo na binabarat ka. Noong araw puwede mong sabihin na ganito ang budget mo, kaya mong mag-demand. Ngayon hindi na.
“Ngayon na-realize ko, sabi ko sa sarili ko ‘pag dumating ‘yung pagkakataon na magkaroon ulit ako ng project, siguro pagbubutihin ko na lang. Ang daming dumarating na mga bago, mga gwapo at saka magagaling, kumbaga ang bilis magpalit ng artista. So one time nag-isip ako talaga ako, parang nagmuni-muni ako sa buhay ko.
“Dumating nga ‘yung time na dahil wala akong trabaho, wala nang offer sa akin sa pelikula, naisip kong mag-apply na lang akong crew sa isang production para feeling ko part pa rin ako ng showbiz, pero behind the camera na lang.
“Kumbaga kung 500 a day kikita ako ng 15,000 a month. Naranasan ko ring maglakad sa pupuntahan ko kasi wala akong pamasahe. Naging family driver din ako. Naitago ko ‘yan. Maraming hindi nakaalam na ginawa ko ‘yun.Simpleng buhay na lang ‘yung naisip ko ‘yun,” pagtatapat niya.
Pero hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos kahit umabot na sa panahong gusto niyang magpakamatay dahil sa depresyon.
“Naging abala ako sa simbahan. Lagi kong pinagpi-pray, ‘Lord kung saka-sakali, ibalik mo po sa akin ‘yung dati’. ‘Yun ang kaya kong ipangako, hindi ako magbabago.
“Sabi ko hanggang kamatayan patuloy akong maglilingkod sa Nasa Itaas, may trabano o wala,” aniya pa.
Umabot din sa punto si Mike na ibinenta ang dalawa niyang sasakyan, bahay, at kotse noong wala na siyang pinagkakakitaan.
“Lahat ng naipundar ko ay nawala,” sey pa niya.
Malaking tulong din ang pagtatrabaho niya sa Japan para makabangon. Doon siya nagkaroon ng pag-asa. Pagbalik niya ay nakabili ulit siya ng sasakyan. Umiwas na rin siya sa mga gimik sa gabi. Iniisip niya ngayon ay kung paano mapalago ang pera niya. Kaya naman nagpo-produce siya ng indie movie na Mga Batang Hamog.
Palabas na ngayong May 7, Wednesday ang Full Moon. Kasama rin sa pelikula sina Derrick Monasterio, Barbie Forteza, Ricardo Cepeda, Eric Fructuoso, at Selina Sevilla.
Tsuk!