NAIS ng mga flight attendant ng Cathay Pacific na palitan ng Hong Kong airline ang kanilang mga uniporme dahil masyado umanong ‘revealing’ ang mga ito at maaaring magbunsod ng sexual harassment, ayon sa Cathay Pacific Airways Flight Attendants Union (FAU).
Ayon sa mga babaeng miyembro ng cabin crew, ang kanilang puting blouse ay masyadong maikli at ang pulang paldang gamit nila’y sobrang sikip kaya hindi sila komportable sa trabaho.
“Nag-aalala sila na masyadong maikli ang kanilang uniprme kapag nagtatrabaho,” punto ni FAU vice chairman Julian Yau at dinagdag pang maaaring maging ‘dahilan’ ito ng sexual harassment.
Sinabi pa ni Yau na ang nasabing uniporme ay naging paksa na ng maraming reklamo mula sa mga babaeng attendants mula ng ito ay pinagamit sa kanila noong 2011. Malimit na reklamo ang pagiging maikli ng blusa na lumilitaw ang kanilang tiyan at likod kapag may inaabot sa itaas o yumuyuko.
“Nagre-represent ang uniporme sa kompanya at (kailangang) maging komportable at may kompiyansa din ang crew kapag suot niya ito,” aniya.
Hindi naman hinihiling ng mga babaeng flight attendant ang buong overhaul ng uniporme kundi pahabain lang ang blusa at gawing loose fitting ang mga palda, ayon pa kay Yau.
“Umaasa kaming aaksyunan ito ng Cathay,” aniya pa.
Napagalaman mula sa isang pag-aaral ng Equal Opportunities Commission noong Pebrero na 27 porsyento ng mga Hong Kong attendant ang nakaranas ng sexually harassment sa nakalipas na 12 buwan. Bukod dito, 80 porsyento ng 392 lumahok sa pag-aaral ay mga babae.
Kabilang sa mga alegasyon ng harassment ay ang “pangangalabit, pag-hipo, paghaplos, paghalik at pangungurot” at gayun din “ang malaswang pagtitig” o pagbibirong sekswal at paghiling ng sekswal na pabor,” lumitaw sa survey.
“Ayaw naming balewalain ang anumang uri ng harassment kaya siniseryoso namin ang usapin ng sexual harassment,” pahayag naman ng Cathay Pacific sa South China Morning Post.
“Welcome ang crew na palitan ang kanilang uniporme anumang oras naisin nila,” dagdag pa ng kompanya.
Kinalap ni Tracy Cabrera