ILULUNSAD ng Manila’s Finest ang Barangay Anti-Drug Advisory Council (BADAC) upang matutukan ng pulisya at barangay officials ang lumalalang pagkalat ng ilegal na droga para maprotektahan ang mga estudyante sa nala-lapit na pasukan sa mga paaralan.
Ang BADAC ay binuo upang maging katuwang ng pulisya laban sa droga at iba pang krimen sa lungsod ng Maynila.
Ang BADAC ay personal na ideya ni Manila Police District (MPD) director, Chief Supt. Rolando Asuncion.
Sa pamamagitan ng BADAC, naniniwala ang pulisya na lalo pang mapaiigting ang inisyatibo ng barangay at komunidad laban sa droga at iba pang krimen.
Ang bawat advisory council ay magkakaroon ng limang miyembro na siyang magmo-monitor sa galaw ng mga residente sa kanilang barangay.
Ayon kay Chief Supt. Asuncion, kanyang palalakasin ang mga tauhan ng 11 police stations sa Maynila partikular ang mga personnel mula sa Police Community Relations (PCR) na magiging responsable sa ugnayan sa bawat BADAC.
Ang BADAC ang magiging mata ng kapulisan sa komunidad na makikipag-coordinate sa kanila kaugnay sa mga insidente ng kirmen lalo sa bentahan ng droga sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ni MPD Intelligence chief, Supt.Villamor Tuliao, kapag may ini-report ang barangay kaugnay sa bentahan ng droga sa kanilang lugar, agad silang magsasagawa ng surveillance operation kasabay ng paggalugad sa lugar na ito.
Kasunod na isasagawa ang test-buy operation na kapag nag-positibo ay agad aarestuhin ang mga sangkot sa pagtutulak ng droga.
Magsisilbi rin na “superbody” ang BADAC upang maiwasan ang ilang katiwalian gaya ng “bangketa” at “pitsaan”sa paghuli ng mga suspek sa droga.
Binigyang-diin pa ni Chief Supt. Asuncion na ipatutupad din niya ang “one strike policy” laban sa illegal gambling/vices upang masugpo ang kotong o tongpats sa kapulisan lalo na ang mga nagpapakilalang bata o tauhan ng politikong protektor ng sugal.
(BRIAN GEM BILASANO)