DUMISTANSYA si rehab czar Panfilo Lacson sa sinasabing “Napoles list” ni jueteng whistleblower Sandra Cam, at iginiit na wala rin siyang alam sa listahan na hawak ni Justice Secretary Leila de Lima.
Sa ambush interview sa Palasyo, sinabi ni Lacson na hindi sa kanya nanggaling ang Napoles list ni Cam na sinasabing naglalaman ng pangalan ng mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam
“On Napoles list? I have it, hindi ko alam kung ano ang ibinigay kay Sec. De Lima. Hindi ko alam ang tungkol kay Sandra Cam. There is only one copy given by Mrs. Napoles,” aniya.
Sinabi pa ni Lacson, affidavit na walang pirma ni Napoles ang ibinigay sa kanya ng mister at mga anak ng negosyante at naniniwala siyang hindi kompleto ang salaysay ng pork barrel scam queen.
“Affidavit ang ibinigay sa akin na unsigned … and then may narration of facts parang histogram how she get into that business … hindi ko alam ang motive ni Napoles, sabi ko hindi kompleto ito… hindi ito ung tell all na I was expecting,” dagdag pa niya.
Magugunitang isiniwalat ni Cam na mayroon siyang kopya ng listahan ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF at Malampaya scams na nakasaad sa affidavit ni Napoles.
Hiniling din ni Cam kay De Lima na mas makabubuting ilantad na ang affidavit ni Napoles sa publiko ngunit tumanggi ang DoJ chief.
Kinatigan ng Palasyo ang paghingi ng panahon ni De Lima bago niya ilabas ang affidavit ni Napoles.
(ROSE NOVENARIO)