MALINAW na panduduro ang sobrang pagkaagresibo ng China sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Batid ng Beijing na wala tayong kakayahang militar at una na nila itong nasubukan nang okupahan nila ang Mischief Reef sa pagpapanggap na gagawin itong pahingahan ng kanilang mangingisda.
Kutong-lupa lamang ang Pilipinas sa pani-ngin ng dangkawang China kaya ngayon, nakabakod na rin ang mga tropa nila sa Scarborough o Panatag Shoal na batid nilang bahagi ng lalawigan ng Zambales. Tulad ng ginawa nila sa Mischief Reef, hindi na natin dapat pagtakhan kung magigising na lamang ang mga Pilipino na mayroon nang estrukturang militar ang China sa tinatawag din nating Bajo de Zambales.
Sa pagpapadala ng malaking barkong pandigma, tiyak na kikilos ang mga Chinese para makapagtayo ng kampo sa Panatag Shoal para “mapanatag” ang kanilang pag-angkin sa na-sabing lugar na 124 nautical miles lamang sabayan ng Masinloc sa Zambales.
Walang luhaan dito kundi ang mga kababa-yan nating mangingisda na pumapalaot sa na-sabing lugar. Kapag gumawi sila sa Panatag Shoal na dati nilang hinuhulihan ng lamang-lagat, maaari silang paulanan ng bala o bombahin ng tubig ng dumaraming Chinese vessels sa lugar. Puwede rin silang takutin ng mga eroplanong pandigma mula sa Beijing.
Matinding paninindigang pampolitika ang kailangan ng Pilipinas laban sa panduduro ng China ngunit hanggang reklamo lamang tayo sa United Nations. Kahit nangakong susuporta sa atin, wala tayong katiyakan na kakampihan maging ng mga kaalyado natin sa ASEAN o ng ipinangangalandakan nating si Uncle Sam.
Matitigil lamang ang panduduro sa atin ng China kung lalaban tayo nang mata sa mata at ngipin sa ngipin sa kanilang agresyon. Wala man tayong kalaban-laban sa larangan ng digmaan, dapat magpakita ng katapangan si Pa-ngulong Aquino. Dapat ding kumilos ang ating AFP para mabawi ang Panatag Shoal at maging ang Mischief Reef mula sa mga kawal ng China.
Mas may dignidad na maipakita natin na naninindigan tayo sa mga katagang “ang mamatay nang dahil sa iyo” sa ating Pambansang Awit kaysa maging katatawanan lamang sa buong mundo. Masyadong kahiya-hiya na kinukubkob na tayo ng China ay puro tayo yabang at taas-noong ipinangangakandakan na sasaklolohan tayo ng mga Amerikano.
Ariel Dim Borlongan