ANG pamemerhuwisyo sa kapayapaan at ubrang pag-iwas na panagutan ito ang naging patakaran ng masasamang elemento.
Bagamat madali lang ang pagtukoy kung sino-sino sila, ang pagtugis, pagpaparusa at pagpapabago sa kanila ay isang istoryang napaka-komplikado kung isusulat.
Isang aral na ilang beses nang nabanggit ang katotohanan na ang kriminalidad ngayong 21st century ay hindi isang simpleng habulan lang ng mga pulis at magnanakaw na inaasa-hang mag-isang lulutasin ng matapang at masigasig na awtoridad.
Sa set-up ng criminal justice system, ang pagpapatupad ng batas ay isa lang sa areas of concern sa pagresolba sa krimen.
Hindi nagdududa ang Firing Line sa kakayahan ng Philippine National Police laban sa lahat ng klase ng organisadong krimen.
Pero habang ang mga tumutugis sa mga nasa likod ng krimen ay nakatutok sa pagpapakulong sa pinakamalulupit na kriminal, bibihira namang mabigyan ng atensiyon ang pagpapaigting sa mga kaso para manalo sa korte.
Minsan ay hindi talaga umiikot ang gulong ng hustisya, dahil na rin sa mahinang kaso at ilang tiwaling judge na nagagawang itama ang mali if the price is right mula sa pasimuno ng mga kriminal.
Isa pang nakapanlulumo ang kalagayan ng mga bilangguan sa bansa. Kung parusa at parusa rin lang ang pag-uusapan, walang dudang pinakamatindi ang nararanasan sa siksikan nating mga kulungan.
Karaniwan na lang sa mga bilanggo ang magrelyebo sa pagtulog dahil kakapiraso ang espasyong pinaghahati-hatian nila sa iisang selda kaya naman ang ilan sa kanila ay wala nang choice kundi ang matulog nang nakatayo, habang ang ilan ay nakapamaluktot ng upo sa isang sulok upang makaidlip kahit sandali.
Dahil dito, kadalasang nagiging imposible na ang mapatino ang kriminal dahil sa kakapiranggot na pondo para magsimula ng mga livelihood at training program na maghahanda sa kanila sa pagbabalik sa lipunan.
Kaya naman kadalasan ay nagbabalik sa lipunan ang mga ex-convict bilang mga future criminal: silang mga sumailalim sa buong sistema ng pagiging kriminal.
Hinihikayat ng Firing Line ang Administras-yong Aquino na tapalan ang mga butas sa cri-minal justice system. Kung hindi, kahit pa ang pinakamatino na mamumuno sa law enforcement organization ay mabibigo sa kampanya nito kontra krimen.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.