PATAY ang isang Arabo nang matagpuan sa kanyang kuwarto sa inuupahang hotel, sa Ermita, Maynila, kahapon.
Kinilala ang biktimang si Mohammed Jaber, 67 anyos, Saudi Arabian national, naka-check-in sa Room 1904 ng Pearl Manila Hotel sa Taft Avenue malapit sa kanto ng UN Avenue, Ermita.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rommel del Rosario ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 5:29 a.m. natagpaun ang bangkay ng biktima ng kasintahang kinilalang si Krisna Javellana.
Ayon kay Javellana, dumating ang biktima sa Filipinas nitong Mayo 6 bilang turista at nag-check in sa nasabing hotel na tatagal hanggang isang buwan.
Sa pagbalik ni Javellana sa hotel para sunduin si Jaber dakong 4:00 a.m. dahil maaga silang aalis papuntang Boracay, nagulat siya nang hindi magising ang biktima.
Kaya agad nagpasaklolo si Javellana sa mga tauhan ng hotel upang dalhin sa katabing Manila Medical Center si Jaber pero idineklara itong dead on arrival.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay nakaubos ng tatlong lata ng serbesa at uminom ng local brandy base sa basyong nakita sa tabi ng bangkay.
Sa pagsisiyasat ng MPD – Scene of the Crime Operatives, walang injury sa katawan ng biktima at hinihinalang nasobrahan sa alak ang Arabo.
(leonard basilio, Camille I. Bolos, Nikki-Ann Q. Cabalquinto, Antonio C. Maaghop jr.,Bhenhor M. Tecson, Lara Liza M. Singson)