TINANGGAL sa puwesto ng Korte Suprema ang iprinoklamang alkalde na si Gamal S. Hayudini ng South Ubian, Tawi-Tawi.
Sa en banc ruling ng Supreme Court (SC) na ipinalabas nitong May 5, kinatigan ang decision ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabasura sa certificate of candidacy (CoC) ng nasabing kandidato na nanalo sa mayoralty election noong May 13, 2013.
Ayon sa SC, hindi nagkamali ang Comelec nang ideklarang hindi residente sa lugar si Hayudini nang siya ay kumandidato bilang alkalde.
Noong October 5, 2012, naghain si Hayudini ng CoC para sa alkalde sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sampuang araw makaraan, nagsumite ng petition si Mustapha J. Omar na naglalayong kanselahin ang kandidatura ni Hayudini.
Sa nasabing election, nagwagi si Hayudini at agad na iprinoklama bilang nanalong alkalde, saka nanumpa sa puwesto.
Pero sa naging ruling ng Comelec Second Division noong June 20, 2013, pinagbigyan ang petition ni Omar dahil napatunayang hindi naninirahan sa South Ubian, Tawi-tawi si Hayudini.
Inapela ni Hayudini ang desisyon sa Comelec En Banc ngunit hindi siya pinaburan, kaya inakyat niya sa Katas-taasang Hukuman ang isyu.
“The Comelec Resolutions dated June 20, 2013 and July 10, 2013 are hereby affirmed. No pronouncement as to costs,” ayon sa desisyon ng SC.
Ayon sa SC, linabag ni Hayudini ang Omnibus Election Code, nang kanyang ideklara sa CoC niya na siya ay residente sa South Ubian.
(leonard basilio)