NANAWAGAN ang Malacañang sa publiko at mga ahensya ng pamahalaan na pairalin ang diwa ng bayanihan o magkaisa sa pagtitipid sa koryente at tubig bilang paghahanda sa pagdating ng tagtuyot o El Niño.
“Kaisa ang ating pamahalaan sa panawagan sa mga mamamayan. Kasama na rin po ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan na makiisa sa wasto at matipid na paggamit ng tubig at ng koryente dahil ito ay maaaring maapektuhan ng inaasahang pagpasok ng El Niño phenomenon. Kailangan po iyong — pairalin natin iyong diwa ng bayanihan. Ang gagawin po natin sa ating kanya-kanyang sambahayan at komunidad ay malaki ang maiaambag sa pambansang pagkilos,” pahayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Nauna nang hinimok ni Pangulong Benigno Aquino III ang mamamayan na magtipid sa koryente dahil hihigpit ang supply ngayong Mayo.
Sabi pa ni Coloma, may ginagawa nang mga hakbang ang pamahalaan upang tiyakin ang seguridad sa pagkain at upang masangga ang mga posibleng epekto ng El Niño.
(ROSE NOVENARIO)