PINAGBIGYAN ng Office of the Ombudsman ang hiling ni Ruby Chan Tuason na magkaroon ng immunity sa kaso ukol sa pork barrel fund scam.
Ayon kay Asst. Ombudsman Asryman Rafanan, nakitaan ng kredibilidad ang mga testimonya ni Tuason kaya sinang-ayonan ng prosekusyon.
Kasabay nito, nagsauli si Tuason ng P40 milyon na kanyang kinita sa mga transaksyon kay Janet Lim-Napoles at sa mga senador na nadawit sa scam.
Naniniwala ang Ombudsman na malaki ang magiging pakinabang ng prosekusyon sa mga pahayag ni Tuason dahil sa detalyadong paglalahad niya ng mga naging papel ng mga mambabatas at tauhan ng mga senador na dawit sa kontrobersya.
Ang dating social secretary ay nagtungo pa sa ibang bansa para magbenta lamang ng ari-arian at makalikom ng halagang ibinalik niya sa gobyerno.
Ang milyong pisong pera na isinauli ni Tuason ay nakapangalan sa gobyerno ng Filipinas o National Treasury ng bansa. (ALMAR DANGUILAN)