ARESTADO ang 58 katao ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime dahil sa pagkakasangkot sa online sextortion activities.
Nakompiska ng mga awtoridad sa operasyon ang 250 pirasong electronic evidence sa Bicol Region, Laguna, Bulacan at Taguig City.
Nadakip ang mga suspek sa iba’t ibang lugar sa bansa kasunod ng inilunsad na magkakahiwalay na ope-rasyon ng mga awtoridad na tinawag nilang “Operation Strike Back.”
Ayon kay PNP chief Director General Alan Purisima, ang mga suspek ay sangkot sa sextortion, ang pangingikil sa kanilang mga kliyenteng foreigner ng malaking halaga kapalit sa hindi pag-upload ng sex video online.
Nabatid na kumikita ang mga suspek mula $500 hanggang $2,000 US dollars bawat isang kliyente na kanilang binibiktima.
Sinasabing malaki ang problema sa sextortion hindi lamang sa Filipinas kundi pati sa iba’t ibang dako ng buong mundo kung kaya’t nagtutulong-tulong ang law enforcement agencies para masugpo ang nagiging talamak na problema.
Sa isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng International Police (Interpol) sa Si-ngapore, doon nabatid na ang Filipinas ang nangunguna sa sextortion activities sa buong mundo kung kaya’t nakatutok ang ibang foreign law enforcement agencies sa bansa.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group director, Senior Supt. Gilbert Sosa, lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa online sextortion at iba pang illegal activities.
Paalala ni Sosa sa publiko at netizens na mag-ingat sa mga kaibigan sa online tulad sa Facebook at huwag basta magbibigay ng mga personal information.