WALA na ngang magandang balita para sa mga uring manggagawa, ginamit pa ni Pangulong Benigno Aquino III ang seremonya sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa para ikampanya ang hindi pinangalanang mamanukin sa 2016 presidential derby.
“Ang pakiusap ko po: Kung naniniwala kayo na tama ang ating ginagawa, kung ayaw ninyong mabalewala ang maganda nating nasimulan sa tuwid na daan, piliin natin ang mga susunod na pinunong magpapatuloy at higit pang magpapayabong sa ating mga naipunlang reporma. Piliin natin ang karapat-dapat upang maging permanente ang malawakang transpormasyong tinatamasa na ng ating lipunan,” anang Pangulo sa kanyang Labor Day speech sa Laguna Technopark, Biñan, Laguna.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag makaraan mangulelat sa pinahuling Pulse Asia presidential survey ang inaasahang magiging standard bearer ng Liberal Party sa 2016 presidential polls na si Interior Secretary Mar Roxas at ang nanguna ay si Vice President Jejomar Binay.
Todo-depensa pa si Pangulong Aquino sa aniya’y pagpapaangat niya ng ekonomiya ng bansa kaya lumago ang industriya ng electronics at semiconductor.
Bunsod aniya ng mga proyekto’t programa ng kanyang “tuwid na daan” ay nakatakas sa labis na kahirapan ang 2.5 milyong Filipino.
Habang muli niyang sinisi ang administrasyong Arroyo sa naranasang kahirapan ng bansa.
“Kung tutuusin nga po, pwedeng noon pa man ay nagawa na ang mga pagbabagong ito sa ating bansa. Subalit dahil sa mga pinunong mas inuuna ang sariling interes, matagal tayong nasadlak sa malubhang kahirapan at katiwalian. Hanggang sa nagkaisa nga po at sama-samang nanindigan ang mga Filipino para sa pagbabago,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)