SAN FERNANDO CITY, La Union – Patuloy na inoobserbahan ng Municipal Health office at Provincial Veterinay Office ang mga nakagat ng aso sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Bagulin sa lalawigan ng La Union.
Ayon sa ulat mula sa Bagulin Municipal Health Office, umaabot na sa 13 katao ang naitalang na-kagat ng aso sa kanilang bayan.
Habang dalawang residente ang kabilang sa listahan na kinagat ng asong positibo sa rabies.
Naturukan na rin anila ng gamot laban sa rabies ang mga biktima ng dog bites.
Sinabi ni Dr. Nida Gapuz, Provincial Veterinay Officer, puspusan na rin ang kanilang pagbabakuna sa mga alagang aso sa nabanggit na ba-yan.
Ito ay makaraan makarating sa kanila ang ulat ng municipal health office na dumarami ang nabibiktimang residente.
Sa ngayon, umaabot na sa mahigit 300 aso, karamihan ay gumagala, ang naturukan ng anti-rabies vaccine.
Una rito, naalarma ang pamahalaang bayan nang matuklasan na namulutan ng karne ng asong positibo sa rabies ang 30 residente sa bulubundukin ng bayan ng Bagulin noong nakaraan buwan ng Abril.
(LAYANA OROZCO)