WALANG maaasahan sa Palasyo ang mga manggagawa sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayon dahil walang good news para sa kanila si Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng paraan ang Palasyo kung paano tutugunan ang hirit ng mga obrero, gaya ng tax break sa mga sumasahod ng minimum wage, contractualization, at iba pang labor issues, isang taon matapos ipangako ni Pangulong Aquino na aaksyonan ang nasabing mga hinaing ng sektor ng paggawa,
“‘Yong sinabi ni Pangulong Aquino na… ‘Yung doon sa issue sa BIR, talagang pinag-usapan, no’ng sinabing white board. Talagang isang hapon namin pinag-usapan ‘yon. Talagang, ano, we are still finding ways to address that. That’s the reason why President Aquino ordered or instructed Secretary Baldoz and Commissioner Henares to sit down and study this thing further because, again, you have also the issue of the uniformity of taxation. We want to make sure that whatever we do should be uniformed and should not unfairly prejudice any one sector,” ani Lacierda.
Sa ginanap na pre-Labor Day dialogue ni Pangulong Aquino sa ilang lider-obrero sa Palasyo kamakalawa, walang inihayag na ano mang wage hike at dagdag na benepisyo para sa mga manggagawa ang Punong Ehekutibo.
Dahil dito, kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang anila’y taunang ritwal na pagpapanggap na nakikinig sa mga kahilingan ng mga obrero kasabay ng pagbasura sa kanilang mga hirit.
“We condemn Aquino for engaging in this yearly ritual of pretending to be listening to workers’ demands while at the same time spitting on our faces by rejecting our demands. Puro papogi at paasa itong si Noynoy, pahirap naman sa manggagawa,”ani Roger Soluta, KMU secretary-general.
ni ROSE NOVENARIO
DEMANDS NG LABOR GROUPS AARALIN PA NI PNOY
HUMINGI ng isang buwan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa iba’t ibang grupo na dumalo sa pre-Labor Day dialogue sa Malacañang, para sagutin ang ilan sa mga hinaing ng mga manggagawa.
Kabilang sa mga natalakay ang contractualization, extrajudicial killings, pagtaas ng singil sa koryente, security of tenure, tax break, dagdag sahod at ekonomiya
Sinabi ng Pangulong Aquino, napakalawak ng mga isyu na inilatag ng mga grupong dumalo sa dialogue kaya pag-aaralan ito sa loob ng isang buwan.
Paliwanag ni Pangulong Aquino, kailangan busisiin ng point-by-point ang mga iniharap na usapin ng mga grupo na dumalo sa dialogo.
(LAYANA OROZCO)
P135 WAGE HIKE IGIGIIT NG TUCP
IGIGIIT ng labor group Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang P135 dagdag sa daily minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon sa TUCP, ang nasabing halaga na ibinase nila sa Consumer Price Index of March 2014, ay makatutulong sa mga manggagawa sa gitna ng tumataas na halaga ng pangunahing mga bilihin at serbisyo.
Anila, tutukuyin nila ang tinatawag na “supervening events” para sa hihilinging bagong minimum wage increase sa Metro Manila, bago magpaso ang one year ban para sa paghiling ng dagdag sahod para sa mga manggagawa.
Sa panukalang dagdag-sahod, ang minimum wage sa Metro Manila ay magiging P601 kada mula sa kasalukuyang P466 kada araw.
Itinaas ng Metro Manila wage board ang minimum pay ng mga manggagawa nitong Setyembre 2013.
(KARLA OROZCO)