MASAYA si Sean Anthony sa kanyang kinalalagyan ngayon sa Air21.
Nakuha ng Express si Anthony mula sa Talk n Text kasama si Eliud Poligrates kapalit ni KG Canaleta at mula noon ay naging maganda ang ipinakita ng Fil-Am forward sa kanyang bagong koponan.
Nagtala si Anthony ng career-high 29 puntos para dalhin ang Express sa 103-100 panalo kontra San Mig sa Game 1 ng semifinals ng PBA Commissioner’s Cup noong isang gabi.
Malaki rin ang papel ni Anthony sa kampanya ng Air21 sa quarterfinals kung saan pinabagsak ng Express ang San Miguel Beer.
“My teammates gave me open looks and I took advantage,” wika ni Anthony na naisalpak ang limang tres sa laro kontra Mixers. “We played selflessly.”
Idinagdag ni Anthony na ang Air21 ngayon ay pareho sa kanyang dating koponang Powerade na nakapasok sa finals ng PBA Philippine Cup noong 2011 pagkatapos na talunin nito ang B Meg sa quarterfinals at Rain or Shine sa semifinals.
“That Powerade team also played hard and selflessly,” ani Anthony na hindi naglaro kaagad ngayong torneo dahil sa kanyang pilay sa kanang kamay. “The heartbreaking losses we suffered against Meralco and San Miguel were a motivation for us to play hard in the playoffs.”
Inaasahang muling aarangkada si Anthony sa Game 2 ng serye kontra Mixers mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum.
(James Ty III)