TWO-ZERO bentahe and hahabulin ng Air 21 kontra San Mig Coffee sa kanilang muling pagtatagpo sa Game Two ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinal series mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sinilat ng Express ang Mixers, 103-100 sa series opener noong Martes para sa kanilang ikatlong sunod na impresibong panalo.
Pumasok ang Air 21 sa quarterfinals bilang No. 7 seed at nakalaban ng No. 2 seed San Miguel Beer na mayroong twice-to-beat advantage. Tinalo ng Air 21 ng dalawang beses ang Beermen upang marating ang semis sa kauna-unahang pagkakataon sa ilalim ng prangkisa ng Shopinas.
“This is just a small step for us in this series. We still need two more wins. The beauty right now is that we’re staying within our course. We’re the uninvited guest but we’re here to seize the moment,” ani Air 21 coach Franz Pumaren.
Huling lumamang ang Mixers, 87-85. Nakaabante ang Express matapos na pumasok ang isang three-point shot ni Aldrech Ramos. Matapos iyon ay naagawan ni Joseph Yeo si Mark Barroca at nakakumpleto ng three-point play upang lumayo ang Air 21, 91-87.
Nagposte pa ng sampung puntos na abante ang Express bago na-thrown out si San Mig Coffee coach Tim Cone matapos na matawagan ng dalawang technical fouls bunga ng pagrereklamo sa inaakala niyang travelling violation na dapat isinampa kay Paul Asi Taulava.
Pinangunahan ni Sean Anthony ang Air 21 nang gumawa ito ng 29 puntos. Nagdagdag ng 25 si Wesley Witherspoon. Nagtapos din ng may double figures sa scoring sina Taulava na may 14 at Yeo na may 11.
Pinangunahan ni James Mays ang Mixers nang gumawa siya ng 27. Nagtala ng tig-11 sina Barroca at Peter June simon at gumawa naman ng tig-10 sina Joe DeVance at Ian Sangalang.
Animo’y kontrolado ng San Mig Coffee ang laro nang lumamang ang Mixers, 74-66 papasok sa fourth quarter. Subalit hindi bumigay ang Air 21.
Subalit nangako si Cone ng mas magandang resbak buhat sa Mixers at sinabi niyang kailangang mapanatili nila ang kanilang konsentrasyon sa kanilang misyon upang makatabla.
(SABRINA PASCUA)