KUNG gusto ng LIberal Party na makabangon muli ang kanilang pambatong si DILG Sec. Mar Roxas, dapat silang gumawa ng paraan para sulsulan at tumuloy na tumakbong pangulo muli ng bansa si Manila Mayor Erap Estrada.
Sa nakikita kasi natin ay ito na lamang ang makapipigil sa pagka-pangulo ni VP Jojo Binay na ilang araw na lang ay ibabandera na sa madla ang kanyang bagong partido na gagamitin niya para sa 2016 election.
Maging ang mga negosyante o political financiers ay magiging mailap daw kay Roxas dahil alam naman daw nilang walang tsansa ang asawa ni Korina na makaupo sa pinakamataas na pedestal ng bansa.
Kung tutuloy kasi si Erap na tumakbong muli bilang presidente ng ‘Pinas, tiyak na mahahati ang botong makukuha ni Binay at dito lamang lalakas ang tsansa ni Roxas.
Simpleng dahilan lamang ang pwede nilang isubo sa grupong Estrada para kagatin ng dating pangulo at iyan ang pag-iwan ni Binay kay Jinggoy para gawing ka-tandem sana sa 2016.
Malinaw na nabuo lamang ang Erap for president again movement nang magdesisyon si Binay na kalimutan na ang Binay-Jinggoy tandem matapos bumaho ang pangalan ng panganay na anak ni Erap kay Loi dahil sa pork barrel scam.
Lalo pang nakompirma ito ng grupong Estrada matapos palutangin ni Binay na ang kanyang magiging tandem ay isang ekonomista na malayong-malayo kay Jinggoy.
Pokus ang kailangang gawin muna ng grupo ni Roxas at iyan ay kailangan nilang mapagtagumpayan dahil ang pag-uudyok lamang kay Erap, na pumangalawa kay PNoy noong 2010 at nagdala kay Binay para maging pangalawang pangulo ng bansa ang susi sa LP para ma-maintain ang kanilang poder sa Malakanyang.
Alvin Feliciano