Tatlong miyembro ng pamilya ang patay habang tatlo ang sugatan sa naganap na sunog sa Jorge Bocobo St., Malate, Maynila, iniulat Martes ng hapon.
Kinilala ang mga namatay na sina Margarita Villar, 62-anyos, Edgardo Villar, 61-anyos, at Merwin Villar, 42-anyos, na nadala pa sa pagamutan pero ‘di na umabot nang buhay dahil sa acute respiratory failure secondary to smoke inhilation o suffocation.
Mag-asawa at anak nila ang mga namatay na hindi nagawang makalabas ng kanilang bahay sa kasagsagan ng sunog na natagpuan sa kanilang banyo.
Dakong 3:09 p.m. nang magsimula ang sunog na umabot sa ika-limang alarma.
Sa ulat, kabilang sa mga sugatan ang 89-anyos lola na nakasakay sa wheelchair.
Dahil sira ang tinatapakang bahagi ng wheelchair, aksidenteng nakaladkad ang paa ng lola habang itinatakbo palayo sa sunog.
Sugatan din si Margie Villar, 50-anyos, na nawalan ng malay matapos ma-suffocate.
Suffocation din ang dahilan kaya nasugatan ang isa pang biktima na hindi na nakuha ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Fire Supt. Jaime Ramirez, fire marshal chief ng Maynila, nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng bahay na pagmamay-ari ng isang Corazon Layug.
Dakong 4:09 p.m. nang ideklarang fire out ang sunog.
HATAW News Team