BIGONG maresolba ng mga awtoridad ang holdapan na naganap malapit sa gate ng isang kilalang unibersidad dahil sa palpak na CCTV camera sa Malate, Maynila nitong Abril 4.
Sa reklamo ng 17-anyos estudyante ng De La Salle – College of St. Benilde na itinago sa pangalan na Ysa, kay PO3 Emmanuel Parungao, dakong 8:50 p.m. nitong Abril 4, siya ay nasa Taft Ave kanto ng Dagonoy St., mula sa kanilang paaralan, nang isang lalaki ang naramdaman niyang tinutukan siya ng baril saka pilit na hinihingi ang kanyang bag.
Nang naramdaman ng biktima na peke ang baril na itinutok sa kanya nagawa niyang tumutol at makipag-agawan sa dala niyang bag (may laman na P50K-Acer laptop, susi at charger).
Pero dahil likas na malakas ang holdaper kaya naagaw kay Ysa ang bag saka mabilis na sumakay sa isang nakahintong puting L300 van.
Hinabol ng biktima ang papaalis na L300 van pero natakot siya nang makitang may kasama pang dalawang lalaki sa loob ng sasakyan.
Aniya, sinagasaan pa ng mga suspek ang kanyang paa kaya siya ay napasigaw sa paghingi ng saklolo. Agad naman siyang sinaklolohan ng security guard ng DLSU na si Mark Joseph Caponpon para dalhin sa isang ospital.
Kahapon, Abril 29, bumalik sa pinangyarihan ng insidente si Parungao para makakuha ng kopya ng CCTV camera, kung mayroon, sa pinangyarihang lugar.
Pero nadesmaya ang imbestigador nang matuklasan na ang mga CCTV camera sa Torre Lorenzo Condominium, Banco De Oro at Jollibee ay hindi naka-instila.
Habang ang CCTV camera sa De La Salle University Dagohoy gate na nakapwesto sa tapat mismo ng insidente pero naharangan ito ng malaking poste ng LRT kaya hindi nai-record ang naganap na holdapan.
– leonard basilio
(May kasamang ulat nina Camille I. Bolos, Nikki-Ann Q. Cabalquinto, Antonio C. Maaghop, jr.,Bhenhor M. Tecson, Lara Liza M. Singson)