DAGUPAN CITY – Pa-tuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang danyos makaraan ang pananalasa ng ipo-ipo sa lungsod ng San Carlos sa Pangasinan.
Kinompirma ni Punong Barangay Primetivo Peralta ng Brgy. Bolingit sa nasabing lungsod, umakyat sa 40 kabahayan ang nasira habang pitong barangay ang naapektohan.
Kabilang dito ang Barangay Cruz, Naguilayan, Pagal, Balayong, at Tandoc.
Una rito, tumagal ng 30 minuto ang pananalasa ng ipo-ipo dahilan para matanggal ang bubong ng maraming kabahayan sa lugar.
Hindi rin nakaligtas ang mga puno, poste ng koryente at telepono na nabuwal dahil sa malakas na ihip ng hangin.
Sa kabutihang palad ay walang naitalang nasaktan sa insidente maliban sa nasirang mga ari-arian.
(LANI CUNANAN)