PASALUBONG KAY OBAMA. Masayang sinalubong ni Pangulong Benigno Aquino III si US President Barack Obama pero hindi ang iba’t ibang grupong militante na nagprotesta sa Mendiola bilang pagtutol sa pagbisita niya sa bansa. (Mga kuha nina JACK BURGOS at BONG SON)
BINIGYANG-DIIN ni US President Barack Obama na hindi sila makikialam sa territorial dispute ng Filipinas sa China.
Ngunit kanilang kinokondena ang ano mang pananakot na ginagawa ng China sa iba pang claimant states.
Tiniyak din ng US leader na suportado nila ang ginagawang hakbang ng Filipinas na idaan sa diplomasya ang reklamo lalo na ang inihain na kaso sa international tribunal.
“As a matter of international law or norms, we don’t think that coercion or intidimation is the way to manage these disputes,” ani Obama. “Our goal is not to counter China. Our goal is not to contain China. Our goal is to make sure that international goals and norms are respected and that includes in the area of maritime dispute.”
Habang maingat sa pagsagot si Obama sa tanong kung tutulong ang Amerika sa Filipinas sakaling sumiklab ang digmaan, sa kabila na may umiiral na Mutual Defense Treaty (MDT) ang dalawang bansa.
(ROSE NOVENARIO)
MILITARY BASES SA PH MALABO
TINIYAK ni US President Barack Obama na hindi layunin ng Estados Unidos na magtayo ng base-militar sa nilagdaang Enhanced Defense Comprehensive Agreement (EDCA) ng Filipinas at US.
Inihayag ito ni Obama kasabay ng joint press conference kasama si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III makaraan ang kanilang bilateral-meeting sa Palasyo ng Malacañang.
Binigyang-diin ng pangulo ng Estados Unidos, layunin ng naturang kasunduan ay palakasin ang defense capability at kooperasyon ng dalawang bansa kabilang na rito ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
“US is not trying to reclaim or build bases. We’ll work together to build Philippine defense capability, promote regional cooperation,” ani Obama.
Nilagdaan ang kasunduan kahapon ng umaga sa Camp Aguinaldo nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
BINAY TSUGI SA BILATERAL MEETING KAY OBAMA
HINDI kabilang si Vice President Jejomar Binay sa mga opisyal ng Filipinas na kabilang sa ginanap na expanded bilateral meeting kay US President Barack Obama, ayon sa Malacañang official kahapon.
“He [Binay] is not in the bilateral meeting as there are no housing or OFW concerns in [the agenda],” pahayag ni Presidential Communications Operations Office head Herminio “Sonny” Coloma, Jr.
Si Binay ang presidential adviser for OFW concerns at chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Kabilang ang pangalawang pangulo sa mga opisyal ng Filipinas na sumalubong kay Obama pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Gayonman, tumangging sagutin ni Coloma ang tanong kung kasama si Binay sa iba pang mga aktibidad sa bansa ni Obama. Dumating si Obama kahapon ng hapon at agad tumuloy sa Palasyo para sa bilateral meeting kasama si Pangulong Benigno Aquino III.