MATAPOS na maungusan ng Rain Or Shine ang Meralco, 97-96 sa overtime upang makausad sa semifinals ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s cup noong Sabado ay humingi muna ng paumanhin si coach Joseller “Yeng” Guiao sa mga taong kahit paano’y naapektuhan at nasaktan nang tawagin niyang ‘Mongoloid’ si Cliff Hodge ng Bolts.
Ang insidente ay naganap sa dulo ng Game Two na napanalunan ng Elasto Painters noong Miyerkoles.
Hindi kasi nagustuhan ni Guiao ang foul ni Hodge laban kay Raymond Almazan na nakaligtas sa pansin ng mga referees.
Noong Biyernes ay binago ng Commissioner’s Office ang tawag ng mga referees sa foul ni Hodge at ginawa itong flagrant foul penbalty two. Pinagmukta si Hodge ng P20,000 subalit hindi na sinuspindi.
Pero dahil sa paggamit ni Guiao sa terminong ‘Mongoloid’ ay mas matindi ang naging parusa sa Rain Or Shine coach. Pinagmulta ito ng P100,000.
Kasi nga’y hidi maganda ang terminong ginamit ni Guiao. Maraming nasaktang mga magulang at kaibigan ng mga taong may kapansanang ganito. Hindi nga naman dapat na nilalait ang mga taong ito na dapat ay kinakalinga.
At naunawaan ni Guiao ang kayang pagkakamali kung kaya’t tinanggap niya ang parusang ipinataw sa kanya ni commissioner Chito Salud.
Huningi siya ng paumanhin sa mga taong nasaktan niya.
Humingi siya ng paumanhin sa lahat maliban kay Hodge.
Aniya’y hindi pa kasi niya nahahanap ang tamang terminong dapat na gamiting patungkol kay Hodge. Puwede daw gamitin ang katagang ‘psycho!”
Hindi naman siguro iyon nakakasakit ng damdamin ng mga tao.
Kung sakali, baka si Hodge lang ang masaktan!
Sabrina Pascua