PATAY ang isang LPG dealer nang pagbabarilin ng isa sa apat na hindi nakilalang suspek saka tinangay ang tinatayang P.4 milyon benta ng tindahan sa Caloocan City, iniulat kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Nodado Hospital ang biktimang si Artemio San Luis, 50, ng Phase 7-B, Bgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod, sanhi ng tama ng bala sa ulo ng ‘di nabatid na kalibre baril.
Pinaghahanap ng mga awtoridad ang apat na hindi nakilalang mga suspek na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.
Sa ulat ng pulisya, dakong 9:30 p.m. naganap ang pamamaslang sa loob ng tindahan ng LPG ng biktima.
Nabatid, nagliligpit ng kanilang paninda si San Luis, ka sama ang helper na si Roden Ganadin, nang pumasok sa loob ng tindahan ang isa sa mga suspek sabay tutok ng baril sa mag-amo at nagdeklara ng holdap habang nagsilbing look-out ang tatlo niyang kasama. Sapilitang kinuha ng gunman ang P425,000 benta ng tindahan saka pinutukan nang malapitan ang biktima at mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklong hindi na naplakahan.
(rommel sales)