ZAMBOANGA CITY – Patay ang anim pasahero kabilang ang dalawang bata, sa pagbaligtad ng pampasaherong bus ng Rural Transit Mindanao Inc., sa highway ng Purok 1, Brgy. Anonang sa bayan ng Aurora sa Zamboanga del Sur.
Ayon kay S/Insp. Joseph Ortega, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO-9), nangyari ang insidente pasado 12 p.m. kamakalawa.
Nanggaling ang nasabing bus sa terminal ng Pagadian City at papunta sana sa Cagayan de Oro City.
Base sa inisyal na impormasyon ng pulisya, nawalan ng kontrol ang bus driver pagdating sa may kurbadang bahagi ng kalsada kaya naaksidente.
Kinilala ni Ortega ang mga namatay na sina Lilia Billetes, na hustong gulang; Jorelyn Lacheca Loot, 14; Clenie Chierra, 16; Kent Jonh Lacheca Loot, 7; at ang dalawang bata na sina Revin John Languyan, 3, at Jhecyl Nicdao Malaubang, 2-anyos.
Tatlo sa anim na namatay ay dead on the spot habang ang tatlong iba pa ay binawian ng buhay sa Kapatagan Hospital dahil sa malubhang pinsala.
Dinala sa magkakahiwalay na ospital ang 16 naitalang mga sugatan.
Samantala, ang driver ng bus na kinilalang si Biato Dumpa Colance, residente ng Brgy. Dulong, Libertad, Misamis Orrental, ay nakakulong na sa selda ng Aurora municipal police station.
(BETH JULIAN)