MALAWAKANG transport holiday ang ilulunsad ng militanteng transport group na Pagkakaisa ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa darating na Mayo uno.
Ayon kay George San Mateo, national president ng PISTON, ito ay protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at singil sa koryente.
Giit niya, sobra-sobra na ang hirap na dinaranas ng transport sector lalo ang ordinaryong jeepney driver.
Nitong Miyerkoles, naglunsad ng protest caravan ang PISTON at nilusob ang tanggapan ng Petron gayondin ang tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC) kasama ang 100 driver.
Tinutulan ng grupo ang patuloy pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, nang magpatupad ng P0.55 na oil hike kada litro sa gasolina at diesel ang mga kompanya ng langis.
Tinututulan din ng PISTON ang balak na mas mataas na multa na nais ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga paglabag sa batas trapiko.
Giit ng grupo, magsasagawa ng close coordination ang kanilang grupo sa mga regional president at kaalyadong grupo para lumahok sa mas malaking transport holiday. (JAJA GARCIA)