HINDI pipigilan ng Malacañang ang mga militanteng grupo na mag-lunsad ng mga kilos-protesta laban sa pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa, ngunit ipinaalala sa kanila ang “hospitality” ng mga Filipino sa mga panauhin.
“Wala naman pong problema ang protesta, it is part of the democratic free state we live in. However, tayo bilang Filipino, kilala tayo sa ating hospitality at magandang pagtanggap natin sa ating bisita,” ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte.
Tiniyak ni Valte na isusulong ni Pangulong Benigno Aquino III ang interes ng mga Filipino sa loob at labas ng bansa sa kanyang pakikipagpulong kay Obama.
Kaugnay nito, tumanggi si Valte na kompirmahin ang ulat ng Wall Street Journal na pipirmahan na ng Filipinas at US ang Enhanced Defense Cooperation (EDC) agreement sa pagdating ni Obama sa Lunes, na nagtatakda ng mas madalas na presensiya ng tropangKano sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)