Balik-operasyon na ang Pasig River Ferry System bukas, matapos ihinto noong 2011.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, sa unang araw, hanggang alas-12:00 p.m. lang ang operasyon, dahil may ipatutupad na restrictions sa ilang lugar pagdating ni US President Barack Obama sa Maynila.
Pero sa mga susunod na araw, maglalayag ang anim na ferry boats mula alas 6:00 a.m. hanggang alas 7:00 p.m.
Ani Tolentino, libre ang pasahe sa unang lingo at may libreng kape sa mga pasahero.
May limang estasyon ang Pasig River Ferry System, ang Pinagbuhatan Station sa Pasig City, Guadalupe Station sa Makati City, PUP Sta. Mesa Station, Escolta Station at Plaza Mexico-Intramuros Station sa Maynila.
Tatlo ang ruta ng operasyon – Pinagbuhatan – Guadalupe, Guadalupe-Escolta at Guadalupe-Plaza Mexico via PUP.
Nakahanda na ang color-coded tickets sa biyahe na epektibo sa ikalawang linggo ang P25 hanggang P50 pasahe.
(BETH JULIAN)