HINDI sasawayin ng Palasyo si Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery (PARR) Panfilo Lacson sa pagsawsaw sa isyu ng P10-B pork scam dahil hindi ito sagabal sa tungkulin niya bilang rehab czar.
“Pagdating kay Secretary Lacson he said that he actually eats Yolanda for breakfast, for lunch, and for dinner. Puro Yolanda din po ‘yung kanyang iniintindi, at perhaps, nagkaroon lang po ng extra because of this issue. At this point, we really don’t see it as an interference in what Secretary Lacson is doing as rehab czar,” ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte.
Kamakailan, ibinulgar ni Lacson na isang buwan bago nag-usap sina Justice Secretary Leila de Lima at Janet Lim-Napoles ay hawak na niya ang mga dokumento at listahan ng mga mambababatas na kasabwat ng detenidong negosyante sa pork barrel scam at ang isang USB na naglalaman ng “revealing telephone conversation” niya sa isang personalidad.
Ang mga dokumento ay ibinigay umano sa kanya ng pamilya ni Napoles, pero nang hamunin siya ng ilang mambabatas na isapubliko ito, tumanggi ang rehab czar.
Ayon kay Valte, si De Lima lang ang alam ng Palasyo na may hawak ng sinumpaang salaysay ni Napoles kaya’t marapat lang na ang DoJ ang magsapubliko nito.
Wala rin aniyang ideya ang Malacañang sa pagdadawit kay Budget Secretary Butch Abad bilang “mentor” ni Napoles at hindi pa rin kinausap ni Pangulong Benigno Aquino III ang kalihim sa isyung ito.
“Sa amin, as far as we are concerned, nobody else has the affidavit. It’s Secretary Leila de Lima who is in possession of the affidavit of Napoles and until such time that the affidavit is made public then it’s at best speculations on the part of whoever wants to make these allegations,” dagdag ni Valte.
(ROSE NOVENARIO)