SA gitna ng alitan sa teritoryo sa China sa West Philippine Sea, bibili ng makabagong armas pandigma ang Filipinas sa South Korea bilang bahagi ng modernisasyon ng militar.
“Sa pag-arangkada ng ating modernisasyon, inaasahan nating mapapa sa atin na simula sa susunod na taon ang mga bagong FA50 mula sa Korea. Gayundin, target po nating bumili ng walong combat utility helicopters; six close air support aircraft, two long-range patrol aircraft, at mga radar systems. Bukod rito, plano rin nating bumili ng full motion flight simulator upang mas mapaunlad pa ang kasanayan ng ating mga piloto,” sabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang talumpati sa change of command ceremony sa Philippine Air Force (PAF) sa Batangas kahapon.
Kompyansa ang Pangulo na higit pang titibay at lalakas ang hanay ng militar lalo na’t may gobyernong tunay na kumakalinga sa kanila.
“Kasabay naman ng pagkakaloob sa inyo ng mga makabagong kagamitan, itinataguyod na rin natin ang maayos na pamumuhay ng inyong pamilya. Tuloy-tuloy ang ating programang pabahay, mga proyektong pangkabuhayan, at ang paglalatag ng mga estratehiya para matutukan ang kapakanan maging ng mga nagreretirong sundalo,” anang Pangulo.
Bagama’t hindi niya binanggit ang China sa kanyang talumpati, pinasalamatan ng Pangulo ang PAF sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.
“Tiwala ako sa patuloy na pakikibalikat ng hukbong panghimpapawid sa walang tawad ninyong pagbabantay sa ating teritoryo [at] sa buong giting ninyong pagprotekta sa ating mga kababayan mula sa masasamang elemento at ano mang delubyo,” sabi pa niya.
(ROSE NOVENARIO)