NATAGPUAN ang bangkay ng isang ginang na negosyante na sinabing pinatay ng kanyang asawa at bayaw, sa San Juan City, nitong Abril 22.
Sa ulat kay Supt. Adolfo Samala, Jr., Las Piñas – PNP, unang naaresto si Angelito dela Cruz, bayaw ng biktima, sa 412 Ipil St., Manila Doctor’s Subdivision, Las Piñas City nitong Abril 23, habang ang asawa ng biktimang si Gemma dela Cruz, na si Billy dela Cruz, ay nadakip sa isang follow-up operation sa 9 Love St., Camella Homes, Barangay Pilar, Las Piñas City.
Sa imbestigasyon sinabing pinaslang ng suspek na si Billy ang kanyang misis na si Gemma, 29, noong Abril 22, sa kanilang bahay sa San Juan City, kasabwat ang kapatid na si Angelito.
Nasaksihan ng gwar-diyang si Rizaldy Paday, 22, ang magkapatid habang bitbit ang bangkay ni Gemma na isinakay sa isang Mitsubishi L-300 van, may plakang TRJ-926.
Agad ipinagbigay alam ni Paday sa San Juan Police ang kanyang nasaksihan pero hindi agad nadakip ang mga suspek dahil hindi na umuwi sa kanilang bahay sa San Juan.
Nabatid, natagpuan ang bangkay ng ginang sa Laguna nitong Abril 23 ng ilang residente na agad ipinagbigay-alam sa pulisya at natunton sa San Juan City.
Sa tulong ng Las Piñas Police agad naaresto ang magkapatid na kasalukuyang nakapiit habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (JAJA GARCIA/
MIKKO BAYLON)