ni Art T. Tapalla
ARAW na lang ang hinihintay at isisilang na ni Krista Ranillo ang kanyang ikatlong anak at ngayon palang ay excited na si Cristalle Lauren Tupaz Ranillo-Lim, sa kanilang baby boy.
Remember na dalawang very cute na babae ang anak ni Krista courtesy of her businessman husband,Jefferson Lim, na piniling mag-settle sa America ng kanyang pamilya.
Ang balita ay galing sa Tita Suzette Ranillo ni Krista, bago sila lumipad papuntang Vatican, kasama si Mommy Gloria Sevilla, para dumalo sa canonization ni Pope John Paul 11 (Karole Wotyla) at Pope John XXIII.
Of course, kilala ng showbiz ang panganay na anak nina Mat Ranillo III at Lynda Tupaz, nang minsang ma-link ang pangalan niya kay Manny Pacquiao, na ipinagpuyos ng labis ni Jinkee, matapos ang kanilang pinagtambalang movie na naging entry pa sa Metro Manila Film Festival 2009.
Hindi na mahalaga ang bahaging ‘yon ng buhay showbiz ni Krista, dahil maligaya na siya sa kanyang buhay-may-asawa sa Tate, at mahal-na-mahal siya ng kanyang asawang negosyante.
MOM GLORIA SEVILLA AT SUZETTE NASA VATICAN
Nabanggit na rin lang sina Mommy Gloria at Suzette Ranillo, nasa Vatican ngayon ang mag-ina para personal na saksihan ang canonization nina Pope John Paull II at Pope John XXIII sa darating na Linggo, Abril 27.
“Will pray for your speedy recovery,” text message ni Suzette. “Dadalhan ka namin ng ‘Holy Water’ galing sa Lourdes France, ingat ka lagi,” dagdag pang mensahe ng utol ni Archie (Mat Ranillo III).
Ayon pa kay Suzette, mula Vatican, tutuloy sila sa Amerika para dalawin ang pamilya nina Mat at Lynda. Dadalawin din nila ang pamilya ni Krista Ranillo sa California.
PAALAM…MERWIN…MICHAEL… GET WELL SOON REY…
ANG hiwaga ay kaakibat na sa buhay na-ting mga tao.
Nitong Linggo ng Pagkabuhay, tatlo sa aming kaanak ang naaksidente sa motorsiklo sa flyover ng Edsa-Tramo, Pasay city, dakong 5:00p.m.
Isa agad ang nalagas, si Merwin Cortez Palaña, 34, may asawa’t isang anak, nalagutan ng hininga bago idating sa isang ospital; si Micheal Tapon Cortez, 32, ay namaalam kahapon matapos ang apat araw sa ICU ng San Juan De Dios hospital, at si Rey Cortez Palaña, 36, nasa ortho ward ng Philippine General Hospital, at sasailalim sa isang maselang operasyon.
Ayon sa asawa ni Merwin, umaga nu’ng Linggo, inihatid siya sa kanyang trabaho sa Makati ng asawa. Pagkababa niya sa motorsiklo, nagulat siya nang lingunin niya si Merwin ay nakita niyang wala itong mukha at ang helmet lang ang kanyang naaninag.
Ayon sa mga kuwento, yon daw ay masamang pangitain (premonition), na dapat ay ipinapaalam sa mga kasambahay ng taong nakitang walang mukha at ipinahuhubad ang lahat niyang suot saka ibinabaon sa lupa at di pinalalabas ng bahay sa loob ng isang araw.
Nasa kanilang bahay sa Gamban, Cabrera, Pasay ang labi ni Merwin at sa Sabado, ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Sgt. Mariano Public Cemetery. Nasa brgy. 186, Maricaban si Mike.
Paalam…Merwin…Michael, get well soon Rey. C’est la vie…..
PERSONAL: BINABATI ko ang aking pa-mangkin na sina Jaypee Tapalla Nable at Mary Jane F. Tejo, sa kanilang pag-iisang-dibdib, nitong Abril 24, matapos ang pitong taong pagsasama.
Salamat kina pareng Ian at mareng Donna Vendivel, kay Kgwd. Boyti Mabag, Nida D. Diolola, Arnulfo R. Camacho, Jaime Robredillo, Nerife Batula, Sylvia C. Sio, sa pagtayo bilang pangalawang mga magulang. Salamat kay Sir JSY!
Salamat kay Ning Balbido at sa staff ni Kon. Ian. Mabuhay kayo!